Photo © web

Inirekomenda ng House Committee on Transportation ang posibleng pagsasampa ng mga kasong kriminal, sibil, at administratibo laban sa mga opisyal at pribadong indibidwal na maaaring may pananagutan sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 noong Enero 26.

Ayon sa komite, kinakailangan ang isang malawak at independent investigation upang matukoy ang pananagutan ng shipowners, crew members, at ilang opisyal ng gobyerno kaugnay ng trahedya.

Kabilang sa mga posibleng kasong maaaring isampa ang reckless imprudence resulting in multiple homicide, serious physical injuries, at damage to property.

Sinabi ni House Committee on Transportation Chairperson Franz Pumaren na maaaring magsampa ng kaso ang National Bureau of Investigation (NBI), Department of Justice (DOJ), at Office of the Ombudsman batay sa magiging resulta ng imbestigasyon.

Advertisement

Samantala, pinatawan na ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang Aleson Shipping Lines ng mahigit P3 milyong multa at 60 araw na suspensyon dahil sa iba’t ibang paglabag.

Kabilang umano sa mga paglabag ang overloading at hindi pagsunod sa tamang passenger manifest ng barko.

Matatandaang hindi bababa sa 65 katao ang nasawi habang mahigit 20 pa ang nawawala matapos lumubog ang pampasaherong barko sa karagatang sakop ng Basilan.

Sa kabila ng insidente, umabot naman sa 293 pasahero ang nailigtas ng mga rescuer mula sa trahedya.

Advertisement