Umaasa ang mga pamilya ng mga biktima ng drug war na kukumpirmahin ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ang mga kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa isang abogado ngayong Huwebes, Abril 23.

Kasunod ito ng pagtanggi ng ICC Appeals Chamber sa apela ni Duterte laban sa naunang desisyon na kumakatig sa hurisdiksyon ng korte sa kanyang kaso.

Ayon kay Atty. Gilbert Andres, isa sa mga legal representatives ng mga biktima, malaki ang pag-asa ng mga pamilya na itutuloy ang kaso.

“Malaki po ‘yung pag-asa nu’n mga biktima na ma-confirm ‘yung mga charges,” ani Andres sa isang panayam, habang binigyang-diin na hindi umano sapat na nasagot ng depensa ni Duterte ang mga argumento ng prosekusyon at ng mga biktima.

Advertisement

Noong Pebrero, tinapos ng ICC Pre-Trial Chamber I ang confirmation of charges hearing kaugnay ng mga kasong crimes against humanity, partikular murder at attempted murder, na may kaugnayan sa mga umano’y patayan noong panunungkulan ni Duterte bilang alkalde ng Davao City at bilang pangulo.

Inaasahang maglalabas ng desisyon ang Pre-Trial Chamber I bago o hanggang Abril 30 kung kakasuhan sa full trial si Duterte, o kung ititigil ang proseso, o kaya ay magpapasagawa pa ng karagdagang imbestigasyon.

Ayon kay Andres, kung makukumpirma ang mga kaso, maaaring magsimula ang trial sa susunod na taon, depende sa magiging takbo ng proseso.

Tinatayang aabot sa anim na buwan hanggang isang taon at kalahati ang paghahanda para sa paglilitis sakaling maipagpatuloy ang kaso.

“Kung six months from April 30, that’s October. Kung 1.5 years… that is October of next year,” paliwanag niya.

Dagdag pa ng abogado, mahalaga ang tamang pag-manage ng inaasahan ng publiko habang hinihintay ang pinal na desisyon ng korte.

Advertisement