Nagbabala si International Criminal Court (ICC) Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti na maaaring makaapekto sa posibilidad ng paglaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang naging pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano na nagtatanggol sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Ayon kay Conti, ipinapakita umano ng naging pahayag ni Cayetano na nananatiling malakas ang impluwensiya at koneksiyon ni Duterte sa Pilipinas, bagay na maaaring ikabahala ng ICC habang nagpapatuloy ang imbestigasyon laban sa dating pangulo.

Sinabi ni Conti na posibleng isipin ng ICC na may mga taong handang tumulong kay Duterte sakaling makabalik ito sa bansa, kaya maaari umano itong maging dahilan upang hindi payagang makalaya ang dating pangulo habang dinidinig ang kaso.

“E ‘yung statement lang ni Alan Peter Cayetano… na sinasabi niyang it was about pro-life, ang gustong patayin ay drugs sa war on drugs. Senyales na ‘yon na malakas pa rin ang kapit at mukhang may tutulong sa kaniyang tumakas kung sakaling makauwi,” saad ni Conti sa isang panayam nitong Linggo.

Advertisement

Matatandaang sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano sa isang Facebook livestream na ang war on drugs ni Duterte ay isang “pro-life” at “human rights” campaign na layong protektahan ang mga komunidad laban sa ilegal na droga.

Matagal nang magkaalyado sa pulitika sina Cayetano at Duterte. Naging running mate ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Cayetano noong 2016 elections at nagsilbi rin bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs at House Speaker sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Samantala, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Cayetano kaugnay sa naging komento ni Conti.

Advertisement