Nanawagan ang ilang miyembro ng House of Representatives of the Philippines sa administrasyong Marcos at mga ahensya ng gobyerno na agad ipatupad ang pag-aresto kay Senador Ronald dela Rosa matapos ibasura ng Supreme Court of the Philippines ang hiling para sa temporary restraining order (TRO) at status quo ante order kaugnay ng warrant ng International Criminal Court.

Malugod na tinanggap ng Makabayan bloc na kinabibilangan nina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago, at Kabataan Party-list Rep. Renee Co ang naging desisyon ng Korte Suprema at nanawagan sa Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, Philippine National Police, at National Bureau of Investigation na tiyaking maipatupad ang warrant nang walang pagkaantala.

Giit ng mga mambabatas, hindi dapat magamit ang mga legal na hakbang at teknikalidad upang maantala ang paghahatid ng hustisya.

Samantala, sinabi ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña na dapat magsilbing “go signal” ang desisyon ng Korte Suprema para sa mas pinaigting na operasyon laban kay Sen. Dela Rosa, na pinaniniwalaang nagtatago.

Advertisement

Binigyang-diin din ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na panahon na para magtulungan ang mga law enforcement agencies upang ipatupad ang batas kaugnay ng international warrant laban sa senador.

Advertisement