Umakyat sa 4.1% ang inflation rate noong Marso mula sa 2.4% noong Pebrero, dulot ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo kaugnay ng patuloy na digmaan sa Gitnang Silangan, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa press briefing, sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na mas mataas ang inflation noong Marso kumpara sa 1.8% sa kaparehong buwan noong 2025.

Ayon kay Mapa, pangunahing nagtulak sa pagtaas ng inflation ang sektor ng transportasyon, na nagtala ng 9.9% inflation rate at may 54.8% ambag sa kabuuang pagtaas.

Ipinaliwanag niya na ang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel nitong Marso, matapos bumaba noong Pebrero, ang naging pangunahing dahilan ng pagbilis ng inflation sa transport sector.

Advertisement

Ang paggalaw ng presyo ng langis ay iniuugnay sa nagpapatuloy na tensyon at digmaan sa Gitnang Silangan, na may direktang epekto sa pandaigdigang suplay at presyo ng petrolyo.

Dahil dito, inaasahang patuloy na babantayan ng pamahalaan ang presyo ng langis at iba pang bilihin upang mapigilan ang lalo pang pagtaas ng inflation at maprotektahan ang kapakanan ng mga mamimili.

Advertisement