Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na may inilabas nang Interpol red notices laban kina dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag at dating pulis na si Rafael Dumlao III kaugnay ng mga kasong kinahaharap nila.
Ayon kay Remulla, kabilang din sa may red notice si Atong Ang, habang nakahain na rin ang lahat ng requirements para sa red notice laban kay dating kongresista Zaldy Co, ngunit hinihintay pa ang approval ng Interpol.
Ipinaliwanag ng Interpol na ang red notice ay kahilingan sa mga law enforcement agencies sa buong mundo upang hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang indibidwal habang hinihintay ang extradition o katulad na legal na proseso.
Ayon kay Remulla, naisumite na ang request para kay Co noong Setyembre 2025 ngunit hindi pa ito inaaprubahan.
Nauna nang kinumpirma ng DOJ na may P2-milyong pabuya para sa impormasyon na magreresulta sa pagkakaaresto kay Bantag kaugnay ng kaso ng pagkamatay ng middleman sa Percy Lapid slay case.
Samantala, si Dumlao ay nahatulan ng reclusion perpetua sa kasong kidnapping at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo matapos baligtarin ng Court of Appeals ang kanyang acquittal.
May nakalaan ding P1-milyong pabuya para sa pagkakaaresto kay Dumlao, habang patuloy ang paghahanap sa mga akusado sa mga high-profile na kaso.
Ayon pa kay Remulla, ipinatawag niya ang mga pulis sa isang command conference kung saan inamin niyang nainis siya sa mabagal na pag-usad ng operasyon.
“Medyo binoldyak ko na yung mga pulis natin… Galingan n’yo na,” aniya.








