Iginiit ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi na walang planong makipagnegosasyon ang Iran sa United States at mananatili ang kanilang paglaban, sa kabila ng pahayag ng White House na nagpapatuloy ang usapan ng dalawang panig.

Ayon kay Araghchi, ang kasalukuyang polisiya ng Iran ay ipagpatuloy ang “resistance” at hindi pa nagaganap ang anumang negosasyon, na aniya’y magiging tanda ng pagkatalo kung sisimulan sa ngayon.

Nauna namang nagbabala ang White House na “magpapakawala ng matinding puwersa” laban sa Iran kung hindi ito papayag sa isang kasunduang pangkapayapaan, habang sinabi ni Press Secretary Karoline Leavitt na nagpapatuloy at produktibo ang mga pag-uusap.

Samantala, ibinunyag ng mga opisyal ng Pakistan na naiparating na nila sa Tehran ang isang 15-point plan mula sa Amerika upang matigil ang labanan na nagsimula noong Pebrero 28.

Advertisement

Gayunman, nilinaw ni Araghchi na ang mga mensahe ay ipinapasa lamang sa pamamagitan ng mga kaalyadong bansa o indibidwal at hindi maituturing na pormal na negosasyon.

Dagdag pa niya, naniniwala ang Iran na nakabuo na ito ng sariling seguridad sa pamamagitan ng kanilang ipinakitang kakayahan sa digmaan, at handa silang harapin ang sinumang magbabantang sa kanilang interes.

Advertisement