Nanawagan si Senador Loren Legarda nitong Labor Day para sa agarang aksyon ng pamahalaan upang maibsan ang bigat na nararanasan ng mga manggagawang Pilipino dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at pagkain.

Ayon kay Legarda, hindi lamang usapin ng sahod ang kinahaharap ng mga manggagawa kundi pati ang kanilang survival at dignidad sa gitna ng umiiral na krisis sa ekonomiya.

Ipinunto ng senador na apektado ang iba’t ibang sektor, kabilang ang mga drayber na bumababa ang kita, mga rider na tumataas ang gastos sa gasolina at maintenance, mga magsasakang nahihirapan sa mahal na input costs, at mga mangingisdang dumaranas ng pagtaas ng gastusin.

Dahil dito, aniya, lumiit ang kakayahan ng mga pamilya na matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan.

Advertisement

Muling inihirit ni Legarda ang pansamantalang suspensyon ng excise tax at value-added tax (VAT) sa diesel at gasolina upang mapababa ang pamasahe at gastusin sa transportasyon, na makatutulong din sa sektor ng agrikultura at pangingisda.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng mabilis at malinaw na aksyon mula sa pamahalaan upang agad na maramdaman ang ginhawa ng mga mamamayan.

Ipinanukala rin ni Legarda ang ilang hakbang tulad ng Differentiated VAT Rates Act, Murang Bilihin at Serbisyong Medikal Act, at Removal of VAT on Electricity Charges upang gawing mas abot-kaya ang pagkain, serbisyong pangkalusugan, at kuryente.

Kabilang din sa kanyang mga isinusulong ang Living Wage Act, P200 Daily Minimum Wage Increase Act of 2026, Calamity Work Compensation Act, at Pangkabuhayan Act of 2025 na layuning mapataas ang kita, magbigay ng suporta sa panahon ng kalamidad, at palakasin ang kabuhayan ng maliliit na negosyo.

Iginiit ni Legarda na patuloy niyang isusulong ang mga polisiyang magpapagaan sa buhay ng mga manggagawang Pilipino sa gitna ng kasalukuyang hamon sa ekonomiya.

Advertisement