Pumalo na sa lima ang bilang ng mga nasawi matapos matagpuan ang isa pang bangkay sa gumuhong gusali sa Angeles City, Pampanga nitong Miyerkules ng gabi.

Natuklasan ang bangkay bandang alas-6:18 ng gabi sa Sector 1 ng gusali sa tulong ng canine unit ng Philippine Coast Guard. Kabilang sa mga nasawi ang isang Malaysian national.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, hindi pa rin isinasantabi ng mga awtoridad ang posibilidad na may mga survivor pang natitira sa ilalim ng gumuhong estruktura sa kabila ng paglilipat ng operasyon sa retrieval efforts nitong Lunes.

Sinabi naman ni Acting Labor Secretary Francis Tolentino na posibleng maharap sa kasong kriminal ang may-ari ng construction firm dahil sa umano’y paglabag sa labor at safety standards. Binanggit din nito ang mga isyu sa pagkakaroon umano ng tulugan at maging mga pamilya sa loob ng construction site.

Advertisement

Samantala, maglalabas na umano ng subpoena at hold departure order laban sa may-ari ng kumpanya na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagpapakita sa mga awtoridad.

Advertisement