NAGA CITY-Patay ang isang lalake sa Candelaria, Quezon pagkatapos itong pagbabarilin.

Kinilala ang biktima na si Cristian, 25 anyos, residente ng Brgy. Pahinga Norte, Candelaria, Quezon.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nakakuha aniya ng tawag ang Candelaria Municipal Police Station galing sa isang concerned citizen na may nangyaring insidente ng pambabaril, rason upang kaagad silang magpadala ng team upang imbestigahan ang insidente.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, alas 9:30 aniya ng umaga sa barangay road ng Purok 1, Brgy. Malabanban Sur Candelaria, Quezon, nang minamaneho ng biktima ang kanyang Honda Beat na motor galing sa Candelaria-San-Juan Road nang bigla na lang aniyang dumating ang suspek at pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang parte ng katawan nito, rason upang kaagad itong mamatay.

Kaagad naman na tumakas ang suspek pagkatapos papunta sa Candelaria-San-Juan dala ang armas na kanyang ginamit.

Nakuha naman ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang cartridge galing sa isang kalibre 45 baril.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nangyaring insidente.