Inangkin ni U.S. President Donald Trump na pumayag umano ang Iran na huwag ituloy ang pagbitay sa walong babaeng raliyista matapos ang kanyang pakiusap, ngunit agad itong pinasinungalingan ng mga awtoridad sa Iran.

Ayon kay Trump, apat sa mga kababaihan ang agad na palalayain habang ang natitirang apat ay makukulong ng isang buwan. Inilarawan niya ito bilang “very good news” at iginiit na ang desisyon umano ng Iran ay bunga ng respeto sa kanya bilang Pangulo ng Estados Unidos.

Gayunpaman, mariing itinanggi ng Iranian judiciary news agency na Mizan News Agency ang pahayag ni Trump. Ayon sa kanila, walang nakatakdang pagbitay sa mga nasabing kababaihan at tinawag itong gawa-gawang impormasyon mula sa Amerika.

Iginiit pa ng Iran na ginagamit umano ni Trump ang isyu upang magpakitang-gilas at ilihis ang atensyon mula sa mas malalaking usapin tulad ng umiiral na tensyon at sigalot sa rehiyon, kabilang ang sitwasyon sa Strait of Hormuz.

Advertisement

Dagdag ng Iran, may ilang babaeng inaresto ang napalaya na, habang ang iba ay nahaharap sa mga kasong maaaring magresulta sa pagkakakulong ngunit hindi sa parusang kamatayan.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang White House at ang Iranian Foreign Ministry kaugnay ng magkakaibang pahayag sa naturang isyu.

Advertisement