NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Sariaya, Quezon.
Kinilala ang biktima si Teodoro Palo Abdon, 64-anyos, residente ng Brgy.Bignay 1, Sariaya, Quezon.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na ayon sa nagin testimonya ng isang alyas Hernan, ilang ulit na pinagbabaril ang biktima habang papasok sa kanyang resort
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid pa na hinihintay na ng limang suspek ang biktima sa pangunguna ni alyas Jerry, residente ng Brgy Talaan Aplaya, Sariaya, Quezon.
Nang buksan na ng biktima ang gate, dito na ito nilapitan nila alyas Reynante at Ryan. Dito rin ito pinaputukan ni Jerry ng limang beses, habang sila Sukrates, at alyas Ambot ang nagsilbing lookouts.
Matapos ang pamamaril ay nilapitan pa umano ni Jerry ang biktima at muling pinaputukan ng dalawang beses upang masiguro na patay na nga ang biktima.
Ang tinamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan ng biktima ang naging dahilan ng agarang pagkamatay nito.
Samantala, agad namang tumakas ang mga suspek matapos isagawa ang nasabing krimen.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad lalo na ang paghahanap sa posibleng kinalalagyan ng apat na suspek na nakatakas, habang si Reynante naman ay nasa kustodiya na ng mga otoridad para sa karampatang kaparusahan.