Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na posibleng may iba pang personalidad na maharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y crimes against humanity sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, may impormasyon silang may ilan pang indibidwal na maaaring maisyuhan ng warrant of arrest ng ICC sa mga susunod na araw.
Sinabi ni Matibag na nakahanda ang NBI na ipatupad at isilbi ang anumang warrant na ilalabas ng international tribunal.
Binigyang-diin niya na hindi mahalaga kung sino ang taong masasangkot o kung ano ang kasong kinahaharap nito basta’t may umiiral na warrant at sinusunod ang tamang protocol sa pagpapatupad nito.
Nauna nang naglabas ng warrant of arrest ang ICC laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa matapos umano siyang maituring na co-conspirator sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong alkalde pa si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City at kalaunan bilang pangulo ng bansa.
Nailista na rin si dela Rosa bilang isa sa mga akusado sa website ng ICC matapos isapubliko ang arrest warrant laban sa kanya.
Samantala, nabigo ang naunang pagtatangka ng NBI na isilbi ang warrant kay dela Rosa sa Senado matapos siyang ilagay sa protective custody ng mataas na kapulungan bago tuluyang umalis sa lugar.
Tinanggihan na rin ng Korte Suprema ang hiling ni dela Rosa na temporary restraining order at status quo ante order laban sa posibleng pag-aresto sa kanya batay sa warrant ng ICC.
Ayon naman kay Justice Secretary Fredderick Vida, inatasan na ang Philippine National Police at NBI na arestuhin ang senador.
Gayunman, iginiit ng kampo ni dela Rosa na dapat munang dumaan sa proseso ng lokal na hukuman ang pagpapatupad ng warrant mula sa ICC.














