Ipinahayag ng beteranang aktres na si Janice de Belen ang kaniyang suporta sa love life ng kaniyang mga anak kabilang na si Kaila Estrada na iniuugnay ngayon sa aktor na si Daniel Padilla.

Sa naging guest appearance niya kay Boy Abunda nitong Biyernes, sinabi ni Janice na ang pinakamahalaga para sa kaniya bilang ina ay ang kaligayahan ng kaniyang mga anak.

“I am just happy that Kaila is happy. ‘Yun lang. Para sa isang parent, ang gusto mo lang ay maging masaya sila,” ani Janice.

Dagdag pa ng aktres, wala umano siyang karapatang manghimasok kung nakikita niyang masaya ang kaniyang anak sa isang relasyon.

Advertisement

Ibinahagi rin niya na ayaw niyang maging istrikto o kontrolado ang mga desisyon ng kaniyang mga anak dahil naranasan din umano niyang maging rebelde noong kaniyang kabataan.

Ayon kay Janice, mahalaga ang pagtitiwala sa kakayahan ng kaniyang mga anak na panindigan ang kanilang mga desisyon sa buhay.

Matatandaang naging usap-usapan ang umano’y relasyon nina Kaila at Daniel matapos silang mamataang magkasama sa ilang pagkakataon mula pa noong nakaraang taon.

Kamakailan lamang ay nagbahagi rin si Kaila ng mga larawan mula sa birthday celebration ni Daniel kabilang ang isang malabong larawan nilang dalawa kung saan makikitang magkalapit ang dalawa habang nakahawak ang aktor sa likod ng aktres.

Bago maiugnay kay Kaila, naging matagal na karelasyon ni Daniel si Kathryn Bernardo at kinumpirma ng dalawa ang kanilang hiwalayan noong Nobyembre 2023 matapos ang 11 taong relasyon.

Advertisement