Ibinahagi ng isang estudyante ang nararanasang hirap sa araw-araw na pagko-commute bunsod ng kakulangan ng pampasaherong sasakyan at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Samantha Oropesa, Estudyante, sinabi nito na kinakailangan niyang sumakay ng mahigit sa isang uri ng transportasyon tulad ng jeep at tricycle upang makarating sa kanyang paaralan sa Naga City.
Dagdag pa ni Oropeza, naging mas kapansin-pansin ang kakulangan ng mga jeep sa mga nakaraang araw. Gayunpaman, iginiit niyang hindi lamang transport strike ang dahilan nito kundi pati na rin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Upang makasabay sa kanyang mga gawain, inihayag niyang inaagahan niya ang kanyang pag-alis sa bahay at kung minsan ay sumasakay na lamang ng bus kapag walang magamit na jeep.
Sa kabila nito, ipinahayag niya ang kanyang suporta sa mga tsuper na nagsasagawa ng transport strike bilang paraan ng pagpaparating ng kanilang mga hinaing sa pamahalaan.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mga ganitong pagkilos, sapagkat hindi lamang mga tsuper ang naaapektuhan kundi maging ang mga komyuter.
Samantala, nanawagan siya sa pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis, kabilang na ang pagbabawas ng buwis, upang hindi na lalong mabigatan ang mga mamamayan.














