Inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na nagdedeklara sa araw ng halalan bilang regular non-working holiday upang mas maraming Pilipino ang makaboto nang hindi naaapektuhan ang kanilang trabaho at kita.

Sa botong 223 pabor, walang tumutol, at isang abstention, ipinasa ng Kamara ang House Bill No. 8392.

Layunin ng panukala na gawing regular non-working holiday hindi lamang ang national elections kundi maging ang plebisito, referendum, people’s initiative, recall elections, at special elections.

Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Representative Sandro Marcos III, mahalagang mabigyan ng sapat na panahon ang mga mamamayan upang makalahok sa halalan nang hindi nangangambang mawalan ng kita o trabaho.

Advertisement

Sa kasalukuyan, ang election day ay karaniwang idinedeklara lamang bilang special non-working holiday tuwing may eleksyon.

Kapag naisabatas, inaasahang mas mapapalakas ang partisipasyon ng publiko sa mga susunod na halalan sa bansa.

Advertisement