Inihayag ni Atty. Jimmy Bondoc, legal counsel ni Senador Ronald dela Rosa, na layunin ng kanilang kampo na maiwasan ang anumang sitwasyong maaaring magdulot ng kaparehong sinapit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong maaresto at dalhin sa kustodiya ng International Criminal Court.

Ayon kay Bondoc, kinikilala ng kanilang kampo ang pag-iral ng arrest warrant ng ICC laban kay dela Rosa, ngunit iginiit niyang hindi ito “enforceable” sa Pilipinas hangga’t hindi dumaraan sa tamang proseso sa ilalim ng batas ng bansa.

Aniya, kaya umano isinailalim sa protective custody ng Senado si dela Rosa ay upang maiwasan ang agarang pagsilbi ng naturang warrant.

Binigyang-diin din ng abogado na nais nilang mapigilan ang posibilidad na maaresto at maipadala sa ibang bansa ang senador, tulad ng nangyari kay dating Pangulong Duterte noong Marso 11, 2025, nang siya ay maaresto sa Ninoy Aquino International Airport at kalauna’y dinala sa The Hague, Netherlands.

Advertisement

Nagbabala rin si Bondoc na kung maipipilit ang pagsilbi ng warrant, maaaring mawalan ng legal na paraan upang maibalik si dela Rosa sa bansa sakaling pumabor ang Korte Suprema sa kanilang panig.

Advertisement