Mariing itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte na sinusubukan nitong hadlangan ang paglalabas ng bank at tax records na hinihingi ng House prosecution panel sa nagpapatuloy na impeachment trial.

Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team, hindi sila nangangamba na maisapubliko ang bank records ng Bise Presidente. Aniya, ang layunin lamang ng depensa ay tiyaking ang anumang hakbang ay naaayon sa Konstitusyon at sa umiiral na batas.

Binigyang-diin din ng depensa na malinaw ang mga naging pahayag ng Korte Suprema hinggil sa karapatan sa privacy at due process. Dahil dito, kanilang ipinaaalala sa mga senador na nagsisilbing impeachment judges na dapat isaalang-alang ang mga prinsipyong ito sa pagdedesisyon.

Matatandaang sa ikaanim na araw ng impeachment trial ay muling hiniling ng House prosecutors sa Senado na magpalabas ng subpoena upang makuha ang bank records at tax documents nina Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Mans Carpio.

Advertisement

Gayunman, mahigpit na tinutulan ng depensa ang naturang kahilingan. Para sa kanila, maaari itong mauwi sa isang “fishing expedition” o paghahanap ng ebidensya nang walang sapat na batayan.

Iginiit din ng kampo ng Bise Presidente na ang pagpapalabas ng naturang financial records ay maaaring lumabag sa karapatan sa privacy ng mag-asawang Duterte at Carpio.

Sa huli, sinabi ng depensa na iginagalang nila ang magiging pasya ng impeachment court at dito nila ibabatay ang kanilang susunod na hakbang. Muli rin nilang iginiit na ang pangangalap ng ebidensya ay nararapat na isagawa alinsunod sa Konstitusyon at sa umiiral na rule of law.

Advertisement