NAGA CITY- Sugatan ang isang driver matapos ang karambola ng 3 sasakyan sa Camaligan Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT Jennifer Kristine Galang, Chief of Police ng Camaligan MPS, sinabi nito na nangyari ang nasabing aksidente sa Zone 5, Marupit sa bayan ng Camaligan.

Batay sa paunang imbestigasyon, sangkot rito ang isang kotse na minamaneho ng isang lalaki na aksidenteng nakabangga sa isa ring kotse na nakapark sa lugar at bumangga rin sa isa pang sasakyan.

Kaagad na dinala sa ospital ang driver ng kotse na nagtamo ng sugat sa kanyang katawan. Habang maswerte naman na nakaligtas ang iba pang mga nadamay sa aksidente.

Ayon sa opisyal, nakatulog umano ang driver ng kotse habang nagmamaneho ng kanyang sasakyan.

Dagdag pa ng opisyal, madilim sa pinangyarihan ng aksidente kung kaya maituturing talaga na accident prone area lalo na sa mga hindi kabisado ang lugar.

Sa ngayon, panawagan na lamang ni Galang sa publiko na kung nakakaramdam ng antok sa pagmamaneho huminto muna sa ligtas na lugar upang iwas aksidente sa daan.