Nagulat ang fans, followers, at netizens matapos ibunyag ng aktres na si Kaye Abad na matagumpay niyang nalampasan ang kanyang laban kontra breast cancer, na kanyang ikinumpirma sa isang birthday vlog na inilabas nitong Linggo, Mayo 17.
Ayon kay Kaye, hindi siya nagbigay ng anumang pahiwatig noon tungkol sa seryosong kondisyon na kanyang pinagdaanan mula pa noong 2025.
Noong Pebrero 2026, ibinahagi lamang ng aktres na siya ay tinamaan ng viral infection na “Herpangina,” ngunit hindi niya nabanggit ang tungkol sa kanyang cancer diagnosis.
Sa kanyang vlog, ikinuwento niya ang halos isang taong dokumentasyon ng kanyang breast cancer journey, kabilang ang pagpapagamot sa Singapore kasama ang kanyang asawang si Paul Jake Castillo.
Ayon sa aktres, nagsimula ang lahat nang makaranas siya ng matinding pananakit ng tiyan na inakala niyang simpleng acidity lamang, ngunit kalauna’y napag-alamang gallstones pala ang sanhi kaya sumailalim siya sa operasyon.
Kasunod nito, iminungkahi ng doktor na sumailalim siya sa mammogram, kung saan nadiskubre ang malignant o cancerous tumor sa kanyang dibdib na umabot sa apat na sentimetro ang laki.
Ibinahagi rin niya na pansamantalang ipinagkatiwala nila sa mga kaanak ang kanilang dalawang anak habang siya ay sumasailalim sa gamutan at pagpapagaling.
Aminado ang aktres na may kasaysayan ng breast cancer sa kanilang pamilya kaya hindi na rin lubusang ikinagulat ang diagnosis.
Sa kabila ng pagsubok, sinabi ni Kaye na naging malaking sandigan niya ang pananampalataya sa Diyos at ang suporta ng kanyang asawa at pamilya.
Masaya namang inanunsyo ng aktres na maituturing na niyang cancer-free ang kanyang sarili matapos ang gamutan.
Bumuhos naman ang suporta, panalangin, at pagbati mula sa netizens at kapwa celebrities matapos ang kanyang rebelasyon, na maaari ring mapanood sa kanyang YouTube vlog.














