Ibinasura ng Supreme Court of the Philippines ang hiling ni Senador Ronald dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) at status quo ante order (SQAO) kaugnay ng posibleng pag-aresto sa kanya batay sa warrant na inilabas ng International Criminal Court.

Sa press briefer na inilabas ngayong Miyerkules, sinabi ng Korte Suprema na sa botong 9-5-1 ng En Banc sa isang special session, ibinasura nito ang kahilingan ni dela Rosa para sa interim relief.

Sa kanyang petisyon, hiniling ni dela Rosa na pigilan ang ilang ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad ng anumang warrant mula sa ICC, Interpol red notice, o iba pang foreign judicial instruments nang walang kaukulang warrant mula sa korte sa Pilipinas.

Kabilang sa mga respondent agencies sa petisyon ang Department of the Interior and Local Government, Department of Justice, Department of Foreign Affairs, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, Armed Forces of the Philippines, at Criminal Investigation and Detection Group.

Advertisement

Nilinaw naman ng Korte Suprema na ang kanilang naging desisyon ay para lamang sa kahilingan sa TRO at SQAO at hindi pa pinal na pagresolba sa pangunahing isyung legal na nakapaloob sa kaso.

Inihayag din ng High Court na ilalabas sa kanilang website sa Mayo 25, 2026 ang buong resolusyon, kabilang ang magkakahiwalay na concurring at dissenting opinions ng mga mahistrado.

Ang status quo ante order ay isang kautusan ng hukuman na naglalayong ibalik ang sitwasyon bago nangyari ang pinagtatalunang aksyon o insidente.

Patuloy namang nakabinbin sa Korte Suprema ang pangunahing petisyon nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dela Rosa kaugnay ng ICC arrest warrant.

Advertisement