NAGA CITY – Patay ang isang lalaki habang sugatan ang isa matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Zone 7, Barangay Mangga, Sipocot, Camarines Sur.

Kinilala ang nasawi na si Gregorio Vasquez, 52, residente ng Calauag, Naga City habang ang mga sugatan ay kinilalang si alyas Kim, 25, residente rin ng nasabing lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PEMS Andres Huerte, MESPO ng Sipocot Municipal Police Station, sinabi nito na nakatanggap sila ng ulat hinggil sa insidente mula sa kapitan ng barangay.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ngunit sa kasamaang palad ay agad ding binawian ng buhay si Vasquez matapos magtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Sa kabutihang palad, si Kim ay nagtamo lamang ng hiwa sa kanyang leeg na posibleng daplis umano ng bala.

Samantala, patuloy pang nangangalap ng impormasyon ang mga awtoridad para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek.

Sa ngayon, umapela si Huerte sa lahat ng maaaring nakasaksi sa insidente na agad na magbahagi ng anumang impormasyon na maaaring makatulong sa paglutas ng kaso.