NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos ang salpukan ng isang sasakyan at isang motorsiklo sa Pamplona, Camarines Sur.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Mark Joseph Lumabi, 29-anyos, residente ng Brgy. Cabanbanan, Calabanga sa nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng sasakyan na minamaneho ni Francis Villanueva, 41-anyos, residente ng Olega St. Poblacion, Tagkawayan, Quezon ang kalsada mula sa lungsod ng Naga patungo sa Northbound direction ng bigla na lamang nitong masalpok ang motorsiklo na minamaneho naman ni Rodel Padua, 31-anyos, residente naman ng Brgy. Cabanbanan, Calabanga, Camarines Sur habang sakay si Lumabi.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa nasabing insdiente nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa pagamutan ngunit ideklara rin na dead on arrival ng mga doktor si Lumabi.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Villanueva para sa karampatang disposisyon.