NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na maaksidente ang minamanehong motorsiklo sa Padre Burgos, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Marck Rojas, 32-anyos, residente ng Barangay Kalilaya, Ibaba Unisan sa nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ni Rojas ang kurbatang parte ng kalsada sa Pagbilao, Quezon ng aksidenteng itong mawalan ng kontrol sa kanyang motorsiklo.

Ito rin ang naging dahilan upang mag-slide at tuluyang sumadsad sa kalsada ang nasabing sasakyan.

Dahil dito, nagsapo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa ospital ngunit ideklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.