NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang isang lalaki sa sa Brgy. Hanopol, Caramoan, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Sandy Briez, residente ng nasabing lugar.

Sa pahayag ni PLt. Jessie Abel Portugal Jr, Deputy Chief of Police ng Caramoan Municipal Police Office, sinabi nito na natagpuan na lamang umano ang biktima na wala ng buhay sa isang ilog sa nasabing lugar na mayroong mga tinagaan sa katawan nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, bandang alas-5 ng pagkahapon, araw ng Biyernes, Enero 21, 2022 ng magpaalam umano ang biktima na aalis upang manguha ng kopra ngunit hindi na ito nakabalik pa sa kanilang bahay.

Samantala, ayon pa kay Portugal, may mga kinokonsidera na umano silang mga person of interest na huling namataan na kasama ng biktima bago ito natagpuan na wala ng buhay.

Napag-alaman rin na malayo na sa mismong sentro ng lugar ang pinangyarihan ng krimen dahilan kung kaya walang makuhang witness sa nasabing insidente ang mga awtoridad.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad maging ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan ng nasabing suspek.