NAGA CITY- Patay ang isang lalaki nang aksidenteng mabundol ng kanyang sariling van sa Barangay Ibabang Alsam, Tayabas City.

Kinilala ang biktima Fidel Magdaraog Balondo, 53-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na habang nag-iinuman ang biktima at ang suspek na kinilalang si Jerry Rongalereos Tabernilla, 29-anyos, ng ipinagmalaki ni Balondo ang kanyang sasakyan.

Inalok pa umano ni Balondo si Tabernilla na turuan na magdrive ng sasakyan ngunit nang subukan nitong magmaneho, aksidente nitong nabundol si Balondo.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan si Balondo na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit, kalauna’y binawian din ng buhay.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa kaukulang disposisyon.