NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos na pagtatagain sa Zone 6 Barangay Belen, Calabanga, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Jerry Hipolito, 50-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang biktima at ang suspek na kinilalang si Maritess Plazo na naging dahilan upang kumuha ito ng bolo at biglang pinagtataga si Hipolito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, dahil sa nasabing insidente nagtamo ng sugat sa ulo at mukha ang biktima na agad naman na dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Samantala, matapos ang nasabing insidente, agad naman na tumakas ang suspek sa hindi pa matukoy na direksyon.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad maging ang pagtukoy sa posibleng kinaroroonan nito at ang pagkakaaresto sa nasabing suspek.