Inanunsyo ng legal team ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na maghahain sila ng panibagong apela sa Korte Suprema ngayong Huwebes, kasunod ng insidente ng putukan sa Senado na kanilang tinawag na “war zone,” at iginiit na ito ay “supervening event” na may kaugnayan sa kanyang mga legal na usapin.

Ayon kay Atty. Jimmy Bondoc, abogado ni Bato Dela Rosa, nananatiling ligtas at nasa mabuting kalagayan ang senador sa loob ng kaniyang opisina matapos ang magulong insidente sa Senado na nagdulot ng takot at kaguluhan sa mga naroon.

“We believe that… what happened now is clear, unmistakable proof of the threat against the life and the liberty and security of our kind, Senator Bato,” pahayag ni Bondoc.

Giit ng kampo ni Dela Rosa, ang mga putok na narinig at ang presensya ng mga armadong indibidwal sa loob ng gusali ay sapat na batayan upang humiling ng agarang aksyon mula sa Korte Suprema, kabilang ang muling paghahain ng petisyon kaugnay ng Temporary Restraining Order (TRO).

Advertisement

Nauna nang hindi naglabas ng TRO ang Korte Suprema sa naunang petisyon ng senador, ngunit iginiit ng kanyang legal team na ang mga bagong pangyayari ay “supervening event” na dapat isaalang-alang ng hukuman.

Ayon pa kay Bondoc, nagdulot ng matinding takot ang insidente habang nagpaputok umano sa loob ng Senado.

“Nagpuputukan, nagtatakbuhan po kami doon. Para po talagang war zone yung aming nadanasan,” aniya.

Bagama’t sinabi ng mga awtoridad na walang opisyal na arrest operation at itinanggi ang anumang government involvement, iginiit ng kampo ni Dela Rosa na nakadagdag sa tensyon ang presensya ng mga armadong indibidwal na nakasuot umano ng NBI vest.

Dagdag pa ni Bondoc, naghahanda rin sila ng petisyon para sa Writ of Amparo, na ginagamit sa mga kaso ng banta sa buhay, kalayaan, at seguridad ng isang indibidwal.

Patuloy na nasa ilalim ng protective custody ng Senado si Dela Rosa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente at sa mga pangyayaring humantong sa pagtaas ng seguridad sa gusali.

Advertisement