Photo© web

Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) na maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang naapektuhan at nawalan ng trabaho bunsod ng patuloy na giyera sa Gitnang Silangan.

Sa isang press briefing nitong Biyernes, kinumpirma ni Jainal Rasul Jr. na ilan sa mga OFW ay tuluyang nawalan ng trabaho habang ang iba naman ay pansamantalang natigil ang hanapbuhay.

Dahil dito, agad na naglunsad ng tulong ang ahensiya para sa mga apektadong manggagawa sa ibayong-dagat. Pinadali rin ang proseso ng aplikasyon para sa pinansyal na ayuda na nagkakahalaga ng $200 o katumbas ng humigit-kumulang ₱12,100, na magmumula sa AKSYON Fund ng DMW.

Upang makakuha ng cash aid, kinakailangang magsumite ang mga OFW ng request for assistance form, kopya ng pasaporte, at patunay ng kanilang overseas employment tulad ng kontrata, visa, o labor card. Kailangan din ang dokumentong magpapatunay ng pagkawala o pagkaantala ng trabaho gaya ng certification mula sa employer, payslip, notice of termination, visa cancellation kung mayroon, o self-declaration na suportado ng Filipino community.

Advertisement

Samantala, iniulat naman ni Hans Leo Cacdac na umabot na sa 6,706 ang kabuuang bilang ng mga na-repatriate. Sa bilang na ito, 5,023 ay OFWs, 1,343 ang kanilang dependents, habang 340 naman ay mga turista at iba pang overseas Filipinos.

Pinakamalaking bilang ng mga na-repatriate ay mula sa Dubai, sinundan ng Kuwait, Abu Dhabi, Qatar, Bahrain, Riyadh, Al Khobar, Israel, Jeddah, at Oman. Inaasahan pa ang pagdating ng karagdagang OFWs mula sa rehiyon sa mga susunod na araw.

Advertisement