Hindi lahat ng Pilipino ay makatatanggap ng cash assistance sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3 Act, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, dahil target lamang nito ang mga sektor na pinaka-apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Gatchalian, maglalaan ang pamahalaan ng pondo na nagkakahalaga ng P98 bilyon hanggang P406 bilyon para sa panukala na layong matulungan ang mga Pilipinong labis na naapektuhan ng oil price hike.
Nilinaw ng senador na pipiliin lamang ang mga makikinabang sa programa, kabilang ang mga magsasaka, mangingisda, transport sector, at ang tinatawag na “bottom 30 percent” o pinakamahihirap na sektor ng lipunan.
Inaasahan namang makatatanggap ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng ayuda na mula P1,500 hanggang P3,000 o P4,000, depende sa kanilang antas ng kita.
Samantala, inihain ni Senador Loren Legarda ang panukalang Bayanihan Power to the People Act o Bayanihan 3, na naglalayong magbigay ng konkretong solusyon sa epekto ng pandaigdigang krisis sa langis sa mga kabahayan at ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Legarda, bagama’t may umiiral nang Executive Order No. 110 na nagdedeklara ng national energy emergency, hindi pa rin ito sapat upang tugunan ang agarang pangangailangan ng publiko.
Ipinaliwanag naman ni Gatchalian na may tatlong pangunahing bahagi ang panukala: ang pagtukoy sa pagmumulan ng pondo kabilang ang realokasyon ng government savings, ang “pump priming” upang ihanda ang ekonomiya laban sa posibleng paghina o stagflation, at ang pagbibigay ng subsidiya sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Dagdag pa ng senador, pinag-aaralan din ang posibilidad ng karagdagang tulong tulad ng pansamantalang moratorium sa pagbabayad ng obligasyon sa mga ahensya gaya ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), at iba pang government financial institutions.














