Isang lokal na mamamahayag ang kabilang sa mga nasawi sa engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga hinihinalang New People’s Army (NPA) sa Toboso, Negros Occidental, ayon sa ulat ng militar.
Kinilala ng media network ang nasawi na si RJ Nichole Ledesma, isang writer, editor, at regional coordinator ng isang lokal na midya sa Negros Island.
Ayon sa ulat, si Ledesma ay community journalist, editor, at makata. Nagsilbi rin siyang editor-in-chief ng Spectrum, ang student publication ng University of St. La Salle–Bacolod kung saan nagtapos siya ng degree sa Psychology.
Pahayag ng grupo, nasa lugar si Ledesma para sa community work at immersion reporting kaugnay ng epekto ng renewable energy projects sa mga komunidad ng magsasaka.
Ayon sa Human Rights Advocates Negros (HRAN), hindi umano nasa mismong unang lugar ng sagupaan sa Sitio Sinugmawan si Ledesma at sa halip ay inatake sa hiwalay na komunidad sa Sitio Plariding habang isinasagawa ang pursuit operation ng militar.
Sinabi rin ng grupo na matagal nang nakararanas ng red-tagging at vilification ang Paghimutad-Negros, kabilang ang umano’y social media post noong 2022 na nag-uugnay dito sa isang military unit.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Army hinggil sa mga ulat at alegasyon na inilabas ng mga grupo at media organization.
Nauna nang iniulat ng Philippine Army na 19 umano’y miyembro ng NPA ang nasawi sa serye ng engkuwentro sa Barangay Salamanca. Samantala, sinabi rin ng UP Diliman University Student Council na kabilang sa mga nasawi si student leader Alyssa Alano sa naturang insidente.









