Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kabuuang 141,724 na unit ng pampasaherong jeepney at UV Express na makatatanggap ng P10-per-liter na fuel discount subsidy ng pamahalaan.
Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, ang bilang ay sumasaklaw sa lahat ng rehiyon batay sa database ng mga kwalipikadong benepisyaryo. Sa kasalukuyan, 12,688 unit na ang nakapagtala ng matagumpay na transaksyon para sa subsidy.
Sinabi ni Mendoza na patunay ito ng patuloy na suporta ng gobyerno sa sektor ng pampublikong transportasyon sa kabila ng paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo. Dagdag pa niya, layunin din ng programa na makatulong hindi lamang sa mga driver at operator kundi maging sa mga pasahero.
Ang fuel discount subsidy ay unang inilunsad sa piling gasolinahan sa Metro Manila sa tulong ng Department of Energy (DOE) at ngayon ay pinalawak na sa 4,299 na participating gasoline stations sa buong bansa, mula sa orihinal na 50 stations sa NCR.
Aabot na sa higit P13.3 milyon ang naipamamahagi ng pamahalaan para sa fuel discount subsidies. Bukod dito, may hiwalay ding P5,000 fuel subsidy para sa PUV drivers at operators at service contracting program na layong dagdagan ang suporta sa sektor ng transportasyon.
Sa ilalim ng programa, 150 litro kada linggo ang limitasyon ng fuel subsidy bawat unit, at awtomatikong naipapatupad ang discount kapag nakumpirma ang rehistradong plaka at prangkisa ng sasakyan.














