NAGA CITY – Sigaw ngayon ng pamilya ni Sen. Leila De Lima ang mabilisan na pagpapalaya dito.

Ito’y matapos bawiin ni self-confessed drug lord Kerwin Espinosa ang unang naging pahayag nito laban sa opisyal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Vicente De Lima, kapatid ng senadora, sinabi nito na sa wakas ay lumabas din ang katotohanan na inosente ang kaniyang kapatid.

Aniya, nagpapasalamat din ito dahil nabigyan na ng lakas ng loob si Espinosa na ilantad nito ang totoo sa kabila umano ng naranasan nitong pagbabanta sa kaniya.

Mababatid kasi na na-pressure lamang umano si Espinosa noon galing sa mga awtoridad kung kaya napilitan itong ihayag ang mga maling paratang laban sa senadora.

Dagdag pa ni Vicente, limang taon simula ng mapiit ang kapatid sa PNP Custodial Center, hindi nito kailan man nakitaan ng kahinaan ang kapatid kung binibisita nila ito ngunit hindi nito batid ang nararamdaman nito kung ito ay mag-isa na lamang.

Sa ngayon, hindi pa nakakusap ni Vicente ang kapatid ngayong linggo ngunit nagagalak na ito sa balitang ihahatid nito sa senadora sa mga susunod na araw.