NAGA CITY- Patay ang mag-asawa matapos ang salpukan ng bus at motorsiklo sa Del Gallego, Camarines Sur.

Kinilala ang mga biktima na sina Danilo Adonis, 55-anyos at ang asawa nito na si Cecelia Adonis, 51-anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na habang tinatahak ng mag-asawa ang kalsada mula sa Sorsogon papunta sa Cavite nang kainin nito ang kabilang linya.

Dahil dito, sumalpok ang kanilang motorsiklo sa kasalubong na bus na minamaneho naman ni Augosto Aperin, 52-anyos.

Kaugnay nito, nagtamo ng sugat sa kanilang katawan ang mag-asawa na dinala pa sana sa ospital ngunit binawian din ng buhay.

Samantala, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng bus para sa karampatang disposisyon.