Inihayag ni Senadora Risa Hontiveros na nakabinbin na sa Senate Committee on Rules ang resolusyong humihikayat kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na sumuko sa mga awtoridad at gamitin ang mga legal na remedyo kaugnay ng kinahaharap nitong usapin sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Hontiveros, isa siya sa mga lumagda sa Proposed Senate Resolution No. 395 na inihain noong Mayo 12 ng limang senador mula sa minority bloc.

Sinabi ng senadora na nananatili ang kanyang panawagan na maresolba nang legal at mapayapa ang sitwasyon dahil marami nang institusyon at maging ang buong bansa ang naaapektuhan.

Layunin ng resolusyon na hikayatin si dela Rosa na isumite ang sarili sa mga kinauukulang awtoridad at gamitin ang mga judicial remedies alinsunod sa Konstitusyon at umiiral na batas.

Advertisement

Nauna nang binatikos ni dela Rosa ang nasabing resolusyon at hiniling sa kanyang mga kapwa senador na huwag umanong “masyadong atat” na makulong siya.

Ayon sa senador, nais muna niyang magamit ang lahat ng natitirang legal remedies na maaari niyang tahakin bago sumuko sa mga awtoridad.

Si dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at dating Davao City police chief sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay kabilang umano sa mga tinukoy ng ICC prosecutors bilang co-perpetrators sa umano’y “common plan” kaugnay ng mga pagpatay sa war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.

Muling nagpakita si dela Rosa noong Mayo 11 upang makibahagi sa botohan para sa pagbabago ng liderato sa Senado matapos ang anim na buwang pagkawala sa publiko kasabay ng mga ulat hinggil sa umano’y ICC arrest warrant laban sa kanya.

Advertisement