Hindi sumipot sa imbestigasyon ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group ang mahigit sampung personnel ng Senado na ipinatawag kaugnay ng nangyaring pamamaril sa loob ng Senado noong gabi ng Mayo 13.

Nauna nang isinilbi ng mga tauhan ng CIDG ang mga subpoena sa mga naturang staff nitong Martes ng hapon bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa insidente ng pamamaril.

Kinumpirma ni Robert Alexander Morico II na mahigit 10 empleyado ng Senado ang saklaw ng kautusan ng CIDG.

Bagama’t hindi pinangalanan ang mga personnel, sinabi ni Morico na nagpadala umano ang mga ito ng opisyal na liham upang ipaliwanag ang kanilang hindi pagdalo sa imbestigasyon.

Advertisement

Samantala, ilang tauhan mula sa Senate Office of the Sergeant-at-Arms ang nauna nang humarap sa CIDG nitong Martes, ayon sa Philippine National Police.

Gayunman, nilinaw ni Morico na hindi dumating si suspended acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca at maging ang iba pang opisyal ng OSAA.

Nang tanungin kung posibleng maharap sa kaukulang kaso ang mga hindi sumipot, sinabi ni Morico na pag-aaralan pa ng CIDG ang mga susunod na hakbang kaugnay nito.

Advertisement