Inaasahan ng Department of Education (DepEd) na mahigit 2.4 milyong estudyante ang makikinabang sa subsidiya ng pamahalaan para sa pribadong edukasyon sa School Year 2026–2027.
Ayon sa DepEd, tinatayang 990,000 junior high school students ang sakop ng Educational Service Contracting (ESC) program, habang nasa 1.47 milyong senior high school students naman ang makakatanggap ng tulong sa ilalim ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP).
Bahagi ang mga subsidiya ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE), na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga mag-aaral sa pribadong paaralan at suporta sa sahod ng mga guro.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na layunin ng programa na matulungan ang mga pamilya sa gastusin sa pag-aaral at mabawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan.
“Hindi dapat tumigil ang pag-aaral ng isang bata dahil lang sa kakulangan sa pera,” aniya, at iginiit na dapat makarating ang tulong sa mga pamilyang higit na nangangailangan.
Sa ilalim ng binagong patakaran, bibigyang prayoridad ang mga mag-aaral mula sa mahihirap na sektor, kabilang ang low-income households, Indigenous Peoples, at mga lugar na geographically isolated.
Itinaas din ang Teachers’ Salary Subsidy mula P18,000 tungo sa P24,000 para sa mga kwalipikadong guro sa pribadong paaralan.
Dagdag pa ng DepEd, paiigtingin ang screening at monitoring upang matiyak na mapupunta ang subsidiya sa mga estudyanteng nanganganib huminto sa pag-aaral.














