NAGA CITY- kumpiskado ang mahigit sa P2.7-M na halaga ng pinaniniwalaang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga otoridad sa Lucena City.

Kinilala ang suspek na si Khristian Joy Abenojar Medina, 30-anyos, residente ng Brgy. Ibabang Iyam sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakabili sa suspek ang nagpanggap na posuer buyer ng isang sachet ng pinaghihinalaang ilegal na droga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, mababatid pa na maliban sa nasabing buy-bust item, narekober pa ki Medina ang siyam na sachet ng pinaghihinalaang shabu na mayroong bigat na 135 grams at nagkakahalagang nasa P2,754,000.

Samantala, dati na ring nasa High Value Individual ng Police Provincial Office ang nasabing suspek dahil sa kaparehong kaso.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek habang pinaghahandaan na man ang kasong isasampa laban sa suspek.