Inanunsyo ng grupong MANIBELA ngayong Huwebes, Abril 23, na pansamantalang ititigil ang kanilang mga protesta, ngunit magpapatuloy pa rin ang kanilang tigil-pasada bilang bahagi ng kanilang panawagan laban sa mataas na presyo ng gasolina.

Ayon kay MANIBELA chairperson Mar Valbuena, walang isasagawang mga rally sa ngayon ngunit mananatili ang transport strike.

Sinabi niya na ang pansamantalang paghinto ng mga kilos-protesta ay gagamitin upang ayusin at i-update ang masterlist ng mga driver na isusumite sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Idinagdag pa ni Valbuena na nakipagpulong siya sa LTFRB noong Miyerkules matapos siyang imbitahan ng ahensya.

Advertisement

Nauna rito, nagsagawa ng nationwide transport strike noong Martes ang mga transport group kabilang ang MANIBELA at PISTON upang igiit ang agarang aksyon ng gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Panawagan ng mga grupo ang pagbawas sa presyo ng gasolina at ang pagtanggal ng 12% value-added tax at excise tax sa diesel upang maibsan ang pasanin ng mga apektadong tsuper at operator.

Advertisement