Pangungunahan ni dating senador at boxing icon Manny Pacquiao ang paglulunsad ng bagong professional sports league para sa pickleball sa bansa na tatawaging Maharlika Pilipinas Pickleball Tour (MPPT).
Ayon kay Pacquiao, layunin ng MPPT na mabigyan ng mas malaking oportunidad ang mga atletang Pilipino upang maipakita ang kanilang talento at makapagbigay ng karangalan sa kani-kanilang lungsod at probinsya.
Ang naturang liga ay inaasahang ilulunsad ngayong taon at papayagan ng Games and Amusements Board bilang isang professional competition.
Sinabi rin ng boxing legend na bagama’t bago pa lamang sa bansa ang pickleball, mabilis itong lumalago at nakikita niya ang potensyal nitong sumikat dahil sa dami ng mahuhusay na manlalaro sa Pilipinas.
Ang MPPT ay bubuuin ng walong koponan mula sa Metro Manila, Luzon, Visayas, at Mindanao, at gaganapin tuwing weekend ang mga laro.
Magkakaroon din ito ng hindi bababa sa ₱5 milyong premyo sa inaugural season, na inaasahang magpapalakas pa sa interes ng publiko sa bagong sports league.














