Iginiit ni Mariel Padilla na hindi pa magreretiro sa pulitika si Senador Robin Padilla, taliwas sa nauna niyang pahayag na maaaring hindi na ito tumakbo sa 2028 elections.
Sa isang podcast ni Sen. Imee Marcos noong Mayo 16, sinabi ni Mariel na patuloy pa ring may misyon sa gobyerno at adbokasiya ang kanyang asawa.
“Minsan napapaisip ako na tapusin na lang [termino niya bilang senador]… pero may mga tao, lalo na ang mga Muslim at Indigenous groups, na umaasa sa kanya,” ani Mariel.
Dagdag pa niya, may mga pagkakataon na naiisip niyang mas mainam na ipagpatuloy ni Robin ang kanyang panunungkulan sa Senado dahil sa mga sektor na umaasa sa kanyang serbisyo.
Nilinaw rin ni Mariel na ang kanyang naunang pahayag na “they don’t deserve him” ay tumutukoy sa mga taong nagsasalita nang negatibo laban sa kanyang asawa bilang mambabatas.
“Kapag may nasabi na out of context… I feel na they don’t deserve him,” paliwanag niya.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Sen. Padilla na balak niyang lumayo sa pulitika at umalis ng bansa dahil sa pagkadismaya sa sistema, ngunit kalaunan ay binawi ito at binanggit na maaari pa siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon kung hihilingin.










