Ikinatuwa ng mga residente at opisyal ng barangay ang isinagawang rehabilitasyon ng bahagi ng Marlika Highway matapos mapansin ang mga lubak at sirang bahagi ng kalsada na matagal nang nagdudulot ng abala at panganib sa mga motorista.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Cesar Tirao Barangay Kapitan, La Medalla, Baao, Camarines Sur, sinabi nito na malaking tulong ang pagsasaayos ng kalsada lalo na para sa mga biyaheng patungong Visayas, Mindanao, at Maynila. Aniya, kapansin-pansin ang kapal at kalidad ng pagkakakongkreto ng bagong kalsada.
Dagdag pa nito na maayos ang daloy ng trabaho ng mga manggagawa at walang naging malaking sagabal habang isinasagawa ang proyekto. Nakipag-ugnayan umano ang mga contractor at personnel ng proyekto sa barangay bago simulan ang konstruksiyon upang matiyak ang maayos na implementasyon.
Samantala, tinulungan ng Municipal Police Station, mga barangay tanod, at Public Safety Office ng munisipyo ang pamamahala ng trapiko, lalo na tuwing oras ng matinding daloy ng mga sasakyan. Inayos nila ang pagdaan ng mga motorista upang maiwasan ang matinding pagsisikip sa lugar habang isinasagawa ang road works.
Ayon sa barangay official, malaking pagbabago ang maidudulot ng rehabilitasyon dahil mababawasan ang posibilidad ng aksidente at magiging mas mabilis ang biyahe ng mga motorista dahil wala na ang mga lubak na dating nagpapabagal sa daloy ng trapiko.
Patuloy pa ang ilang bahagi ng pagsasaayos ng kalsada hanggang sa bahagi ng Riles, kung saan inaasahang matatapos ang natitirang trabaho sa ilalim ng pangangasiwa ng mga kinauukulang ahensya.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang barangay sa National Government, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary na si Vince Dizon, dahil sa pagbibigay-prayoridad sa rehabilitasyon ng Marlika Highway.
Ayon kay Tirao, malaking epekto ang proyekto hindi lamang sa kanilang barangay kundi maging sa mga biyahero at komunidad na gumagamit ng naturang pangunahing lansangan.














