Sumugod sa tanggapan ng Department of Justice ang mga magulang ng mga biktima ng Dengvaxia vaccine upang igiit na hayaang umusad ang kanilang kaso sa korte.

Sa kanilang liham kay Justice Secretary Frederick A. Vida, hiniling ng mga magulang na huwag hadlangan ang proseso at ipaubaya na lamang sa hukuman ang pagdinig ng mga ebidensiya upang lumabas ang katotohanan.

Giit nila, mahalagang marinig sa korte ang lahat ng panig upang matiyak ang patas at malayang pagtakbo ng hustisya para sa mga biktima.

Umaasa rin ang mga pamilya na sa pamumuno ng kalihim ng DOJ ay magiging daan ang proseso upang mabigyang-linaw ang mga pangyayari kaugnay ng kontrobersyal na bakuna.

Advertisement

Binigyang-diin ng mga nagprotesta na ang kanilang panawagan ay hindi laban sa sinuman kundi para sa paghahanap ng katotohanan at katarungan na matagal na nilang hinihintay.

Patuloy ang kanilang panawagan na mapanagot ang mga dapat managot at mabigyan ng hustisya ang mga nasawi at naapektuhan ng Dengvaxia issue.

Advertisement