Sinita ng Philippine National Police (PNP) ang isinagawang kilos-protesta ng mga tagasuporta ni Senador Ronald dela Rosa nitong Martes ng umaga dahil sa kawalan umano ng permit.
Ayon sa mga awtoridad, ang pagtitipon ay hindi nakakuha ng kaukulang pahintulot kaya’t pinayuhan ang mga nagpoprotesta na sumunod sa itinakdang regulasyon ng pamahalaan.
Gayunman, iginiit ng mga tagasuporta ni dela Rosa na mayroon silang karapatan sa malayang pagpapahayag ng kanilang hinaing at paninindigan.
Sinabi ng grupo na sumusunod naman sila sa mga patakaran ng pulisya at nanindigang hindi sila aalis sa lugar ng kanilang kilos-protesta.
Kasalukuyan silang nakapuwesto sa labas ng Senate of the Philippines at nagmula pa umano sa iba’t ibang lalawigan ang ilan sa mga nagtipon, habang inaasahan pa ang pagdating ng mas marami pang grupo upang magpakita ng suporta sa senador.
Samantala, nakahanda naman ang puwersa ng pulisya para sa posibleng pagdagsa pa ng mga tagasuporta, habang mahigpit na binabantayan ng Southern Police District ang mga entrada ng gusali ng Senado para sa seguridad.
Si dela Rosa ay kasalukuyang nasa loob ng Senado matapos siyang bigyan ng protective custody ng Mataas na Kapulungan kasunod ng tangkang pagsisilbi sa kanya ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) noong Mayo 11.








