Aminado ang Metropolitan Naga Water District (MNWD) na may problema sa suplay ng tubig sa ilang barangay sa Naga City, kabilang ang Sabang, Abella, Gainza, at Igualdad, dulot ng kakulangan sa kapasidad ng Mabolo Reservoir.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Choppy Dy-Liacco Dela Cruz, Public Information Officer ng MNWD, sinabi nitong mahina ang daloy ng tubig sa mga nasabing lugar dahil hindi napupuno ang Mabolo Reservoir na siyang nagsusuplay sa mga ito.

Ayon sa kanya, naiparating na ng MNWD ang sitwasyon sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod ng Naga, kung saan may nakabinbin nang plano na maglagay ng karagdagang transmission lines mula sa mga barangay patungo sa Diversion Road hanggang Mabolo Reservoir. Layunin nitong mapahaba ang operating hours ng reservoir na kasalukuyang umaandar lamang ng tatlo hanggang apat na oras.

Ipinaliwanag din ni Dela Cruz na nakararanas ng mahinang suplay ng tubig sa Barangay San Felipe, partikular sa Phase 4, dahil sa mataas na lokasyon nito. Dagdag pa niya, nagkakaroon lamang ng problema sa lugar kapag may aberya sa pumping stations.

Advertisement

Bilang tugon, plano ng MNWD na palitan ang ilang lumang tubo sa water lines upang mapabuti ang daloy ng tubig. Aniya, ang mga pumping stations na nagsusuplay sa Sabang ay pinalawig na ang operating hours mula 20 oras hanggang 22 oras kada araw bilang bahagi ng kanilang prayoridad na aksyon.

Mayroon ding planong magdagdag ng mga bagong linya ng tubo sa mga apektadong barangay, subalit kinakaharap pa ang isyu sa right of way. Nakikipagtulungan na ang MNWD sa lokal na pamahalaan ng Naga, sa pangunguna ng alkalde, upang maresolba ang nasabing problema at maisakatuparan ang proyekto sa lalong madaling panahon.

Advertisement