NAGA CITY – Patay ang isang motorcycle driver habang sugatan naman ang isa pa matapos ang karambola ng tatlong sasakyan sa Brgy. Santol, Mauban, Quezon.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Jeffrey Ulleras, 21-anyos, driver ng motorsiklo habang ang nasugatan na si Mark Anthony Aranta, 39-anyos, driver namang ng tricycle.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang minamaneho ni Aranta ang tricycle nito ng aksidente nitong mabangga ang motorsiklo na minamaneho ni Ulleras.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing nabangga pa ang mga ito ng isang van na minamaneho ng hindi pa nakikilalang suspek na agad namang tumakas matapos ang nasabing insidente.

Dahil sa nasabing pangyayari, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan sina Ulleras at Aranta na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal ngunit hindi na umabot si Ulleras ng buhay.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon maging ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan ng nasabing suspek.