Sinagot ng Malacañang si Vice President Sara Duterte matapos nitong batikusin ang lumalaking utang ng bansa at sisihin ang administrasyong Marcos sa umano’y kakulangan sa pagtutok sa pamamahala.

Sa sidelines ng 48th ASEAN Summit, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na minana umano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang malaking utang mula sa pamahalaan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Castro, normal umano para sa mga bansa ang mangutang upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng serbisyo at ayuda sa mamamayan.

Dagdag pa niya, lumaki umano ang utang dahil sa mga alegasyon ng iregularidad sa Pharmally at umano’y ghost projects sa ilalim ng programang Build, Build, Build noong nakaraang administrasyon.

Advertisement

Nauna rito, sinabi ni Vice President Duterte habang nasa The Hague, Netherlands na tumataas ang unemployment at utang ng bansa dahil umano hindi nagtatrabaho nang maayos ang kasalukuyang administrasyon.

Batay sa datos ng Bureau of the Treasury, umabot na sa ₱18.49 trilyon ang outstanding debt ng bansa noong Marso 2026.

Bilang tugon, iginiit ni Castro na abala si Pangulong Marcos sa pagdalo at pagtatrabaho sa ASEAN Summit kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Binatikos din niya si Duterte at sinabing nasa ibang bansa ito habang isinasagawa ang summit at wala umanong naitutulong sa kasalukuyang gawain ng pamahalaan kaugnay ng ASEAN activities.

Advertisement