NAGA CITY – Patay ang isang motorcycle driver matapos na aksidenteng mawalan ng kontrol sa minamanehong behikulo sa Barangay Sumilang, Calauag, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Mary Jane Macaraig Salubong, 29-anyos, residente ng Brgy. Patihan, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng motorsiklo na minamaneho ni Salubong ang Southbound direction ng Maharlika Highway sa nasabing lugar nang aksidente itong mawalan ng kontrol sa kaniyang handlebar dahil sa hindi pantay na kalsada.

Dahil dito, nahulog ang biktima sa kalsada at nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Agad naman sana itong dinala sa St Peter General Hospital para sa asistensya medikal ngunit kinailangan din itong ilipat sa Batangas Medical Center kung saan dito na rin ito binawian ng buhay.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagpapaalala ng mga otoridad na laging mag-ingat lalo na kung nasa gitna ng kalsada.