NAGA CITY – Tinatayang nasa P150,000 na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska ng mga otoridad mula sa dalawang suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Camarines Norte.

Kinilala ang mga suspek na sina Zaldy Gallete Jr, 32-anyos residente ng nasabing lugar at Melona Atentar, 40-anyos, residente naman ng Purok 2, Barangay Malaguit, Paracale, sa naturang lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), napag-alaman na narekober sa dalawang suspek ang anim na heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na narekober din sa naturang operasyon ang ilang mga drug paraphernalia.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga ito.