NAGA CITY- Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit P380,000.00 na halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operations sa lungsod ng Naga.
Ayon kay PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), isinagawa ang operasyon ng mga awtoridad sa J.P Rizal Street sa Brgy. Sta Cruz sa naturang lungsod laban sa suspek na kinilalang si John Christian Morano, residente ng Mabolo, Naga City.
Ayon pa sa opisyal, narekober sa suspek ang tinatayang nasa humigit kumulang 0.9 grams ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga naman ng P6,120.00.
Kasunod naman dito, ang isinagawang buy-bust operation laban kay Anthony Comprado, 23-anyos, residente ng Zone 7, Sagrada Familia, Brgy. Peñafrancia, Naga City.
Ayon pa kay Bongon, narekober naman dito ang nasa 55 grams ng pinghihinalaang shabu na nagkakahalaga naman ng nasa P374,000.00.
Dagdag pa nito, nakabili umano ang umaktong poseur buyer sa suspek ng isang pakete ng naturang ilegal na droga na nagkakahalaga ng P18,000.00 gamit ang 500 peso bill at P17,500.00 na boodle money.
Maliban sa nasabing iligal na droga, narekober pa kay Comprado ang isang cal. 38 revolver na baril na mayroong anim na pirasong live ammunition.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang kaparusahan.